Pinamamadali na ni senate majority leader Joel Villanueva ang pagpapatibay sa panukala na layong ipagbawal ang anumang uri ng online gambling activities sa bansa.
Isinusulong sa Senate Bill 1281 o “Anti-Online Gambling Act” ng senador na gawing labag sa batas ang lahat ng uri ng sugal sa online o internet kasama ang mga online gambling na may taya at pusta.
Ayon kay Villanueva, lubha nang malala ang kinahinatnan ng online gambling sa bansa na nauwi na sa pagkasira ng buhay at pamilya kaya hindi ito dapat baliwalain.
Bukod dito, naging dahilan din anya ang mga online gambling ng pagka-bangkarote at mga criminal activities.
Sa oras na maging ganap na batas, ang mga lalabag ay maaaring mabilanggo nang hanggang limang taon at pagmumultahin nang hanggang 500,000 pesos.
Mahaharap naman sa maximum penalty kung ang lalabag ay isang public officer bukod pa sa tuluyang pag-disqualify sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.—mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)