Anim (6) na panukalang batas ang bibigyang prayoridad ng senado at kamara sa pagbabalik ng sesyon sa Lunes.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, matapos ang kanilang pulong ni House Speaker Sonny Belmonte kahapon ng umaga sa Marco Polo Hotel sa Ortigas, nagkasundo sila na bigyang priority ang pag-apruba ng BBL o Bangsamoro Basic Law, ang 2016 national budget, panukalang pagbuo ng Department of Information and Communication Technology, pagpapaigting na Private-Public Partnership, panukalang PAGASA Modernization Program, at ang Freedom of Information Bill na nakabinbin pa hanggang ngayon sa kamara kahit pa matagal nang aprubado sa senado.
Ayon pa kay Drilon, sa kanyang pakikipagpulong kahapon kina Senador Ralph Recto at Senate Committee on Local Government Chairman Bongbong Marcos, sinabi ng mga ito na sa Agosto 3 ay maisusumite na ang committee report sa plenaryo ang may kaugnayan sa BBL.
Agad, aniya, siyang magpapatawag ng cocus upang magtakda ng timetable sa pag-apruba ng BBL kung kailan ito maipapasa.
Tiniyak din ni Drilon na makalulusot sa senado ang pambansang budget para sa susunod na taon bago ang December 31.
Bukod sa anim na priority bills, bibigyan din ng prayoridad ng dalawang senado at kamara ang 15 iba pang panukalang batas gaya na lamang ng Tariff and Customs Act, Modernization Act, National ID System, Prepaid Sim Card Registration, at iba pa.
By Avee Devierte | Cely Bueno (Patrol 19)