Iniimbestigahan na ng San Juan City Police ang pagpatay kay national bowling team coach at gold medalist na si Angelo Constantino.
Dakong ala singko ng hapon noong Biyernes nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin si Constantino habang nasa ikalawang palapag ng e-lanes bowling center sa Greenhills.
Ayon kay Senior Supt. Dindo Reyes, hepe ng San Juan City Police, tatlong beses binaril sa ulo ng lalaking naka-sombrero at surgical mask ang biktima habang itinago ng salarin ang baril sa sling bag.
Matapos nito ay ipinutok pa ng salarin ang baril paitaas tsaka dumiretso sa parking area ng establisyimento.
Taong 1992 nang masungkit ni Constantino ang gintong medalya sa World Youth Championship na ginanap sa Venezuela, ang huling beses na nanalo ng gold medal ang Pilipinas sa naturang kompetisyon.
Samantala, nagluluksa naman ang Philippine bowling community sa pagkamatay ng atleta kasabay ng pag-apela ng katarungan para sa kanya.