Ikinabahala ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang pagpasok ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
Ayon kay Zubiri, dapat magpaliwanag ang Department of Agriculture (DA) at iba pang kinauukulang ahensya kung paano nakalusot ang ASF sa bansa.
Marso pa lamang aniya sa ginawang pagdinig ng senado ay nagkasundo na ang DA, iba pang mga government agencies at hog industry leaders na paigtingin ang pagbabantay sa mga paliparan at pantalan upang hindi makapasok ang naturang virus.
Dagdag pa nito, iminungkahi rin aniya ang pagpapatupad ng total ban sa importation ng karneng baboy.
Kasunod nito ipinanawagan ng senador sa DA, Bureau of Customs, National Meat Inspection Service (NMIS), at opisyal ng paliparan, ang agarang pagkilos at mahigpit na pagbabantay upang mapigilan ang paglaganap ng ASF.
Giit pa nito, mahalagang maisalba ang hog industry sa bansa na pang-anim aniya sa pinakamalaking hog industry sa buong mundo. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)