Handa na ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa pagpasok sa bansa ng super typhoon na may international name na Saudelor na tinawag namang bagyong Hanna sa pagpasok nito Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay NDRRMC Executive Director Usec. Alex Pama, bagamat hindi inaasahang tatama sa kalupaan ng bansa ang super bagyo, ang hanging habagat naman na paiigtingin nito na magdadala ng maraming pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa ang maaaring magdulot ng pinsala sa ilang bahagi ng bansa.
“Ang higop ng hangin na siya pong magpapaigting ng hanging habagat at magdadala po ng mga pag-ulan lalong-lalo na po sa kanlurang bahagi ng ating bansa, mula sa Mindanao, Palawan, Luzon at Visayas.” Ani Pama.
Sa ngayon wala pang rekomendasyon ang NDRRMC para magsagawa ng preemptive evacuation sa mga lugar na malapit sa tatahakin ng super typhoon gaya Batanes at Cagayan.
“Kung kailangan eh nagkokonsultasyon naman po tayo sa ating mga local na pamahalaan at katunayan ay meron naman tayong direct line sa Governor ng Batanes at kung tutuusin po ay alam na alam naman po nila kung ano yung kailangan na.” Paliwanag ni Pama.
By Mariboy Ysibido | Ratsada Balita