Pormal nang inanunsyo ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagpasok ng hanging amihan o northeast monsoon sa bansa ngayong taon.
Kasunod ito ng unti-unting paglamig ng temperatura at panahon na nararamdaman sa hilagang silangang bahagi ng Luzon.
Ang amihan o northeast monsoon ay malamig na hanging nagmumula sa Siberia at China at karaniwang nararamdaman tuwing panahon ng Pasko.
Dahil dito asahan na ang mga mas malamig na temperatura na maaaring tumagal hanggang Pebrero ng susunod na taon.
Batay naman sa bulletin ng PAGASA ngayong araw, apektado ng hanging amihan ang hilagang bahagi ng Luzon partikular sa Cagayan, Ilocos at Cordillera.
—-