Lalo pang hihigpitan ng bansang Japan ang pagpasok sa kanila ng mga banyaga dahil sa pagkalat ng bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nadiskubre sa United Kingdom.
Ayon sa Japanese Foreign Ministry, epektibo ang travel ban sa kanilang bansa mula bukas, Disyembre 28 na tatagal hanggang Enero ng susunod na taon.
Sa kabila nito, papayagan pa rin ang mga mamamayan ng Japan at mga banyagang makapasok sa nasabing bansa basta’t makapagpapakita ng katunayan na negatibo sila sa virus sa loob ng 72 oras.
Obligado ring sumailalim sa mandatory quarantine ang mga papasok sa Japan sa loob ng dalawang linggo kahit pa may negatibo na silang resulta ng COVID tests.
Magugunitang kinumpirma ng Japanese government na may naitala na silang kaso ng bagong strain ng corona virus matapos magpositibo rito ang lima kataong umuwi mula sa Britanya.