Iginalagalang ng Philippine National Police (PNP) ang pagpasok ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng binatang napatay ng isang pulis sa ikinasang anti-illegal gambling operations sa Valenzuela City, kamakailan.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, makaaasa ang NBI ng buo nilang pagsuporta sa imbestigasyon at kanila ring nirerespeto ang pasya ng pamilya ni Edwin Arnigo na ipasa sa NBI ang imbestigasyon.
Gayunman, kumikilos pa rin ang Internal Affairs Service o IAS upang magkasa ng impartial investigation sa kaso upang matukoy kung ano ang mga pagkukulang ng Valenzuela City Police na siyang nanguna sa operasyon.
Awtomatiko aniya ang pagpasok ng IAS lalo na’t kung may nasawi sa ikinasang Police operation bilang bahagi ng kanilang motu propio investigation.
Giit pa ng PNP Chief, nais niya ring matutukan ang kaso kaya’t makaaasa ang publiko na walang kukonsintihing alagad ng batas na nagpabaya at tiyak na masasampahan ang mga ito ng kasong administratibo.