Idinipensa ng grupong Kadamay ang pagkubkob nila sa isang housing project sa San Isidro sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay Gloria Arellano, National Chairperson ng Kadamay, napilitan lamang silang sumugod sa nasabing pabahay bilang protesta dahil ibinigay sa iba ang dapat na mapakinabangan ng ilan sa kanilang mga miyembro.
Sinabi ni Arellano na wala namang inilalabas na qualified beneficiaries sa nasabing pabahay at nababalitaan nilang may ipinapasok na ibang tao ang local government unit at barangay.
Nangangahulugan ito aniyang hindi pina-prioritize yung taga-Montalban mismo na nag-aapply na doon dahil ito ang mga homeless, renter at sharer.
Binigyang diin ni Arellano na hindi sila umuukupa ng mga bahay kundi hinaharang lamang nila ang access dito para matiyak na walang pamilyang inendorso ng local government ang makapasok dito.
—-