Plano ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsulong ng panukalang magpapataw ng buwis sa paggamit ng plastics at single-use plastics.
Batay sa ulat mula sa United Nations (UN), isa ang Pilipinas sa limang bansa na pinanggagalingan ng kabuuang plastic waste sa mundo.
Sinabi ni Environment Secretary Benny Antiporda na imumungkahi nila sa lehislatura ang pagpapataw ng “environmental tax” sa naturang mga produkto.
Ito aniya ay magiging paraan para mabawasan ang paggamit ng plastic kasunod ng pagbaba ng dami ng basura.
Tiniyak naman ni Antiporda na mapupunta sa pagtugon sa isyu ng solid waste ng bansa ang magkokolektang buwis rito, gaya na lamang ng pagpapagawa ng mga recycling facilities sa bansa.