Nanawagan ang grupong laban konsyumer sa DTI o Department of Trade and Industry na magpataw ng “moratorium” o pagbabawal sa taas-presyo ng ilang pangunahing bilihin.
Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, makadadagdag lamang sa pasakit ng mga mamimili ang anumang hirit na dagdag presyo dahil bugbog na ang mga ito sa pagtaas ng ilang bilihin.
Dagdag pa ni Dimagiba, tila walang silbi ang pagpataw ng DTI ng “expanded suggested retail price sa mas maraming produkto.
Batay kasi aniya sa kanilang ginawang pag – iikot sa ilang grocery, kanilang napansin na lampas sa SRP ang presyo ng ilang produktong sardinas.
Giit pa ni Dimagiba, dapat dagdagan ng DTI ang mga tauhan nila na nagbabantay ng mga presyo at ilathala sa mga tabloid ang listahan ng expanded SRP.