Pumalag ang ilang may-ari ng sari-sari store sa plano ng Department of Trade and Industry (DTI) na patawan ng Suggested Retail Price (SRP) ang mga pangunahing bilihin na kanilang itinitinda.
Ayon kay Ginoong Jose Legaste, isa sa mga may ari ng tindahan, wala na silang kikitain kung susundin nila ang itinakdang SRP dahil sa pamasahe pa nila patungo sa supermarket na kanilang kinukuhanan ng paninda.
Paglilinaw naman ni Trade Undersecretary Ruth Castelo, mas mataas ang SRP na balak nilang ipatupad sa mga sari-sari store dahil alam ng ahensya na hinahango lang nila ang kanilang paninda mula sa mga ahente at supermarket.
Sinabi din ni Castelo na kasalukuyan pang pina-plantsa ang ipapataw na SRP sa mga sari-sari store.
Ito ay dahil sa mga ulat na kanilang natatanggap kaugnay sa sobrang itinaas ng presyo ng mga bilihin bunsod umano ng reporma sa buwis.
Samantala, tiniyak naman ng mga manufacturer ng sardinas na mapapako ang presyo ng kanilang produkto hanggang Marso.