Nagluluksa ang pamilya Batocabe sa pagkasawi ng kanilang haligi na si AKO-Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Batay sa Facebook post ng asawa ng pinaslang na mambabatas na si Gng. Gertie Duran, itinaon pa sa anibersaryo ng kasal nila ang pagpaslang sa kaniyang asawa.
Nagpatutsada pa si Ginang Batocabe na batid na umano ng kanilang kalaban na magwawagi ang kaniyang asawa kaya’t ipinadispatsa na ito.
Si Batocabe ay kumakandidato sa pagka-alkalde ng bayan ng Daraga, Albay para sa darating na 2019 mid-term elections.
Magugunitang tinambangan si Batocabe at ang bodyguard nitong si SPO1 Orlando Diaz matapos dumalo sa isang gift giving activity sa Barangay Burgos sa naturang bayan.
Nakaburol naman ang labi ni Batocabe sa Arcilla Hall, tapat ng Bicol College sa Daraga, Albay at isinasaayos pa ng pamilya kung kailan siya dadalhin sa Maynila.
Special investigation task group binuo na
Agad bumuo ng isang special investigation task group na siyang tututok sa imbestigasyon ukol sa pagpatay kay AKO-Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Ayon kay PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde, ipinag-utos na niya sa naturang lupon na gawin ang lahat ng paraan para matukoy ang motibo sa pagpatay gayundin ay maihatid ang hustisya sa pamilya Batocabe.
Binigyang diin pa ng PNP chief, makatutulong ng malaki kung may isang grupo na susubaybay sa development sa kaso lalo’t kabilang din sa mga biktima ang isa nilang kabaro.
Magugunitang tinambangan kahapon hanggang sa mapatay si Batocabe kasama ang bodyguard nitong si SPO1 Orlando Diaz buhat sa dinaluhan nilang gift giving activity sa Burgos, Daraga, Albay.
Kasunod nito, nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng pambansang pulisya sa pamilya ng mambabatas gayundin sa pamilya ni Diaz at tiniyak na ipaabot nila ang kaukulang tulong at pagkilala sa nasawi nilang kasamahan.