Puspusan ang ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente ng pagpatay sa dalawang abogado sa Palawan at Cebu City.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagtalaga na sila ng mga karagdagang NBI field operatives sa Palawan at Cebu para paigtingin ang paghahanap sa mga salarin.
Sinabi ni Guevarra, ikinababahala na ng pamahalaan ang tumataas na bilang ng pagpatay sa mga abogado, prosecutors at hukom.
Ito, aniya ay bagama’t tila ikinukunsidera bilang bahagi ng kanilang propesyon ang panganib.
Magugunitang, patungo sana sa isang hearing ang abogadong si Atty. Eric Jay Magcamit nang patayin ito sa highway sa Palawan noong November 17.
Habang binaril naman sa labas lamang ng kanyang opisina sa Cebu City si Atty. Joey Luis Wee noong November 23.