Iniimbestigahan pa ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng kaugnayan ng pamamaril sa dating hepe ng Jolo Municipal Police sa shooting incident na ikinasawi ng apat na sundalo sa Jolo noong Hunyo.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Debold Sinas, bagama’t sa ngayon ay wala pa silang nakikitang koneksyon sa dalawang insidente.
Ayon kay Sinas, patuloy pa ang imbestigasyon ng police regional office ng Bangsamoro Autonomous Region sa pamamaslang kay dating Jolo Municipal Police Chief Lt. Col. Walter Annayo.
Sinabi ni Sinas, maliban sa nakakulong na sa Custodial Center sa Kampo Krame ang siyam na suspek na pulis sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, wala pa rin silang nakikitang direktang kaugnayan ni Annayo sa insidente.
Magugunitang pinagbabaril hanggang sa mamatay si Annayo ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Macabiso Sultan Kudarat, Maguindanao noong Sabado.