Dumulog na sa United Nations (UN) ang higit 300 mga international NGO at civil society group para ireklamo ang tumataas na bilang ng extrajudicial killing sa bansa.
Sa pamamagitan ng kanilang grupo na International Drug Policy Consortium, sumulat ang grupo sa UN Office of Drugs and Crimes at International Narcotics Control Board para hilinging kondenahin at ipatigil ang pamamaslang sa mga suspected drug personalities.
Malinaw anilang nalalabag ang karapatang pantao ng mga suspek tulad ng due process, fair trial at karapatan mabuhay.
Binigyang diin ng grupo na ang pagkakalulong sa droga ay isang sakit na dapat agapan sa halip na bawian ng buhay.
Sinisi pa ng grupo ang ginagawang panghihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte na patayin ang mga nasasangkot sa iligal na droga.
De Lima’s fight
Samantala, pormal na ring inihain ni Senate Justice Committee Chair Leila de Lima ang panukalang imbestigahan ang pagpatay sa drug suspects.
Binigyang diin ni de Lima sa kanyang senate resolution na nais nilang malaman ang hakbang ng mga awtoridad sa dumaraming kaso nang pagpatay.
Gusto ring mabatid ni de Lima kung totoong nanlaban ang mga napatay na suspek sa police operations lalo’t ilan sa mga nasawi ay nakaposas bagamat inaakusahang nang-aagaw ng baril o kaya naman ay nanlaban.
Nilinaw naman ni de Lima na suportado niya ang anti-illegal drugs campaign ng Duterte administration at hangad niyang maging matagumpay ito.
By Rianne Briones | Judith Larino