Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mabibigyang linaw ang nangyaring pagpaslang sa isang drug addict habang ginagamot sa ospital sa Angono, Rizal.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Camilo Cascolan, kaniya nang ipinag-utos sa Rizal Provincial Police Office ang malalimang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpaslang sa adik na kinilalang si Vincent Adia, 27 anyos.
Batay kasi sa ulat ng Angono Municipal Police Office, may tatlong beses binaril si Adia ng hindi nakilalang salarin nitong Martes ng madaling araw sa Brgy. San Isidro sa nasabing bayan at iniwan sa tabing daan na may karatulang nakasulat na “pusher”.
Buhay pa ng matagupan ng mga dumaraang motorista si Adia at isinugod ito sa Rizal Provincial Hospital Annex ng mga rumespondeng pulis at barangay tanod sa lugar para masagip.
Subalit, habang ginagamot sa loob ng pagamutan ay nakasalise ng salarin ang mga pulis at nalusutan din ang guwardya dahilan upang matuluyan nito si Adia habang nakaratay.