Siniguro ng liderato ng Philippine National Police (PNP) na magkakaroon ng linaw sa naganap na pagpatay ng isang ‘di pa nakikilalang gunman sa isang umano’y adik na ginagamot sa loob ng isang ospital sa Angono sa Rizal.
Batay sa report ng Angono police, kinilala ang 27-taong-gulang na biktima bilang si Vincent Adia na 3 beses na pinagbabaril ng naturang gunman nitong Martes ng madaling araw.
Iniwan na lamang sa tabing daan sa San Isidro sa Angono, kalakip ang karatula na may katagang ‘pusher’.
Kaugnay nito, nakita ng ilang motorista si Adia na buhay pa, kaya’t tinakbo ito ng mga rumespondeng pulis at ilang kawani ng barangay sa Rizal Provincial Hospital.
Pero habang ginagamot ang biktima, sumalisi naman ang gunman at tsaka ito pinagbabaril.
Ayon naman kay Police Major Richard Corpuz, hepe ng Angono police, hindi aniya namalayan ng mga gwardiya na pumasok ang gunman, at wala na rin ani Corpuz ang mga kapulisan dahil susunduin ng mga ito ang pamilya ni Adia.
Sa huli, ani PNP Chief Police General Camilo Cascolan, kanya nang ipinag-utos ang masusing imbestigasyon sa kaso para matukoy ang nasa likod ng pagpatay. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)