Nagdududa rin ang Philippine National Police (PNP) sa biglaang pagkamatay ng itinuturing na middleman sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid.
Sa press conference ng pnp na ginanap ngayong araw, natanong si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. Kung ano ang opinyon nito sa biglaang pagkamatay ni Crisanto Villamor, na tinukoy ng sumukong gunman na si joel escorial na nagbigay sa kanila ng instruksyon na patayin si Lapid.
Sagot ni Azurin, kapansin-pansin sa kaniya ang tila kawalan ng kooperasyon ng Bureau of Corrections sa kaso, na nangangasiwa sa new bilibid prison.
Kinuwestiyon din ni Azurin ang timing ng pagkamatay ni Villamor lalo’t nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Tanghali kasi aniya namatay si Villamor na nakapagtataka lalo’t imposible para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na matulog ng tanghali sa kulungan dahil sa sikip ng espasyo at init na panahon.