Ikinalungkot ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na ipawalang bisa ang Anti-Smoking Campaign nito sa mga pampublikong lugar sa Metro Manila.
Ayon kay Tolentino, may karapatan ang MMDA na ipatupad ang nasabing kampanya dahil sa ilalim ng batas hindi lamang traffic ang saklaw ng MMDA, kasama rin aniya sa function nila ang public health.
Idinagdag pa ni Tolentino na halos lahat ng Local Government Units (LGU’s) sa Metro Manila ay nagpasa na ng ordinansa hinggil sa pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at deputized ng Department of Health (DOH) ang MMDA para ipatupad ito.
Ipinagmalaki din ni Tolentino ang mga parangal na natatanggap ng MMDA sa nasabing kampanya.
“Andami na po namin nakukuhang awards dito, mga golden orchids award, may award kami sa United Nations, World Health Organization, eh wala po akong nakikitang pagkukulang diyan, eh kahit nga po ordinaryong mamamayan ay puwede pong mag-citizen arrest.” Giit ni Tolentino.
Tuloy pa rin
Kaugnay nito, itutuloy pa rin ng MMDA ang paghuli sa mga taong naninigarilyo sa pampublikong lugar, sa kabila ng inilabas na desisyon ng Court of Appeals.
Sinabi ni Tolentino na maliban sa hindi pa pinal ang naturang desisyon, binigyan din sila ng kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan at ng Department of Health na manghuli.
Binigyang diin ni Tolentino na maliban sa mayroong batas na kailangang ipatupad, mahalagang isipin ang kalusugan ng publiko at ang kapakanan ng mga hindi naninigarilyo.
“Wala pa namang finality ang desisyon siguro, kung hindi po natin ito ipapatupad, sino ang magpapatupad, hindi po puwedeng nandiyan lang ang batas na walang nagpapatupad, hindi naman kayang ipatupad ‘yan ng Court of Appeals, sino po ang magbibilad sa araw diyan para manghuli?” Dagdag ni Tolentino.
Sundin ang desisyon ng CA
Samantala, dapat sundin ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagdeklarang iligal ang Anti-Smoking Campaign ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.
Ito ang binigyang diin ni Dr. Leo Olarte, Chairman ng Coalition of Clean Air Advocates of the Philippines o CCAAP matapos igiit ng korte na hindi kabilang ang MMDA sa mga ahensya na inatasan sa ilalim ng Tobacco Regulation Act para ipatupad ang batas.
Ayon kay Olarte, ang mahalaga’y naipatutupad ang batas at nakakaiwas sa panganib ang publiko na dulot ng usok ng sigarilyo.
“Whether the decision is right or wrong but it is given by a competent authority, susundin po natin ‘yan no, hindi advantageous for public health kung papayagan natin ang mga taong manigarilyo kahit saan saan lang.” Paliwanag ni Olarte.
By Mariboy Ysibido | Jelbert Perdez | Katrina Valle | Ratsada Balita