Nanawagan si Deputy Speaker at CDO Representative Rufus Rodriguez sa Pangulong Rodrigo Duterte na payagang makalipad patungo sa Oslo, Norway ang Journalist na si Maria Ressa upang tanggapin nito ng personal ang presitihiyosong parangal na Nobel Peace Prize sa darating na December 10.
Ito’y kasunod ng desisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na huwag payagang makabiyahe ang mamamahayag na nakakaharap sa kasong cyber libel .
Ayon kay Rodriguez, kung tuluyang hindi papayagan si Ressa, magpapalakas lamang ito sa alegasyon na inuusig ng administrasyon ang mamamahayag.
Aniya, katawa-tawang maituturing kung tuluyang hindi papayagang makabiyahe ng OSG ang Journalist at sa pamamagitan na lamang ito ng internet padadaluhin sa seremonya.
Giit ng mambabatas, kung pinayagan ng Court of appeals si Ressa na pumunta sa US para bisitahin ang kanyang magulang mula October 31 to December 2 dapat rin itong payagan na personal na tanggapin ang parangal na kauna-unahan aniyang igagawad sa isang Pilipino. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)