Tinutulan ng OCTA research ang panukalang payagan na ang mga batang edad 10 pataas na lumabas na ng bahay at makapamasyal.
Ito’y matapos suportahan ni acting socioeconomic planning Secretary Karl Kendrick Chua na luwagan na ang restrictions para sa mga bata upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.
Mas dadami kasi umano ang customer sa mga establisyimento gaya ng malls kung pupwede nang lumabas ang mga bata.
Ngunit ayon sa OCTA, hindi naman ganun kalaki ang ambag ng mga bata sa ekonomiya para payagan silang lumabas at malagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan sa banta ng COVID-19.
Giit ng OCTA, kung ang face-to-face classes nga ay nananatiling bawal dahil sa banta ng COVID-19, wala ring dahilan para payagan ang mga ito na lumabas ng bahay para lamang mamasyal sa mga mall.