Pumalag ang mga senador sa pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na papayagan umano nila ang hindi pagbibigay ng mga kumpaniya ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa ngayong kapaskuhan.
Ito’y makaraang ipaliwanag ni Labor Sec. Silvestre Bello III ay dahil sa maraming mga kumpaniya ang labis-labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic kung saan, ilan sa mga ito ay napilitan nang magsara o magbawas ng mga manggagawa.
Ayon kay Sen. Koko Pimentel, nakasalig sa batas ang pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado lalo pa’t ito ang mas maituturing na distressed kaya’t hindi sila dapat ang magsakripisyo.
Sa panig naman ni Minority Leader Franklin Drilon na naging labor secretary, hindi pinapayagan ng batas ang anumang exemption sa pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado anuman ang kasalukuyang sitwasyon.
Dagdag pasanin naman ng mga Pilipino ayon kay Sen. Riza Hontiveros ang naging pahayag ni Bello kaya’t sa halip na payagang huwag bigyan ng 13th month pay ang mga manggagawa, dapat ang gobyerno ang sumalo rito sa pamamagitan ng subsidiya at cash assistance.