Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilidad na payagan na ang dine-in operation sa mga restaurants o kainan para maiwasan ang pagdedeklara ng bankruptcy o pagbagsak ng ilang negosyong pagkain.
Sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng senado, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez, 70% ng kita ng mga restaurant ay mula sa mga dine-in o mga customers na kumakain sa loob ng establisyimento.
Ayon kay Lopez, nakatakda nilang inspeksyunin ang ilang mga fastfoods at restaurant bukas, para tingnan ang kapasidad ng mga ito na magpatupad ng health protocols.
Aniya, oras na makumbinsi sila ng mga ito na ligtas at kayang magpatupad ng minimum health protocol ay kanila nang papayagan ang pagbabalik ng dine-in operations.
Gayunman, sinabi ni Lopez na magiging limitado lamang ito sa hanggang kalahati ng buong kapasidad ng isang restaurant para matiyak ang physical distancing.