Binigyang diin ni ABONO Party-list Rep. Robert Raymund Estrella, na dapat hayaan ng gobyerno ang mga magsasaka na makapili at makabili ng mga fertilizer na nais nilang gamitin para sa kanilang mga pananim.
Ayon sa kongresista, kailangang repasuhin na ng Department of Agriculture ang memorandum order kaugnay sa pagbili ng pamahalaan ng pataba na gagawing subsidiya sa mga magsasaka sa mga lalawigan.
Iminungkahi ni Cong. Estrella, ang pagbibigay ng mga voucher sa mga farmer para sa pagbili ng mga pataba sa halip na bumili ng saku-sakong biofertilizers.
Matatandaang inihayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura na ang biofertilizer na balak bilhin ng pamahalaan sa halagang dalawang libong piso ay hindi pa subok at hindi rin dumaan sa eksaminasyon kumpara sa limandaang pisong biofertilizer na alok ng University of the Philippines – Los Baños na matagal nang ginagamit ng mga magsasaka.