Aminado si Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na gitgitan ang labanan ng mga kandidato sa pagka-Chief PNP.
Ito ang inihayag ng Kalihim 3 araw bago ang nakatakdang Change of Command at Turn-over Ceremonies gayundin ang pagreretiro ni P/Gen. Guillermo Eleazar sa Nobyembre a-13.
Ayon kay Año, hirap ang Pangulo na pumili ng susunod na PNP Chief dahil kilala niyang lahat ang mga nasa shortist at pawang mga nakasama niya ito nuong siya pa ang Alkalde ng Davao.
Kung susundin ang rule of succession, awtomatiko nang pasok sina Deputy Chief PNP for Administration P/LtG. Joselito Vera Cruz at Deputy Chief PNP for Operations P/LtG. Israel Ephraim Dickson na pawang mga mistah ni Eleazar sa PMA Hinirang Class of 1987 at ang Chief of the Directorial Staff na si P/LtG. Dionardo Carlos na mula naman sa PMA Maringal Class of 1988.
Kabilang din sa mga matutunog na pangalan ang ilan pang mga Heneral ng PNP tulad nila Director for Operations P/MGen. Rhodel Sermonia at CIDG Director P/MGen. Albert Ferro na kapwa mula sa PMA Makatao Class of 1989.
Panghuli sa mga posibleng kabilang din sa shortlist at isa sa pinakamatunog ding pangalan sa mga kandidato si National Capital Region Police Office Director P/MGen. Vicente Danao Jr ng PMA Sambisig Class of 1991. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)