Aminado si Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na gitgitan ang labanan ng mga kandidato sa pagka –hepe ng Philippine National Police (PNP), tatlong araw bago ang nakatakdang change of command at turn-over ceremonies sa pagreretiro ni Police General Guillermo Eleazar sa Nobyembre a-13.
Ayon kay Año, hirap ang pangulo na pumili ng susunod na PNP Chief dahil kilala niya ang lahat ng mga nasa shortlist.
Kung susundin ang rule of succession, awtomatiko nang pasok sina Deputy Chief PNP for Administration Police Lietenant Gen. Joselito Vera Cruz, Deputy Chief PNP for Operations Police Lieutenant Gen. Israel Ephraim Dickson, at Chief of the Directorial Staff na si Police Lieutenant Gen. Dionardo Carlos.
Kabilang din ang ilan pang mga heneral ng PNP tulad nila Director for Operations Police Major Gen. Rhodel Sermonia at CIDG Director Police Major Gen. Albert Ferro.
Panghuli sa mga posibleng kabilang din sa shortlist at isa sa pinakamatunog ding pangalan sa mga kandidato si National Capital Region Police Office Director Police Major Gen. Vicente Danao Jr. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9), sa panulat ni Airiam Sancho