Pormal nang ipoproklama sa Lunes ng hapon bilang susunod na presidente at bise presidente ng pilipinas sina Mayor Rodrigo Duterte at Congresswoman Leni Robredo.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng canvassing ng National Board of Canvassers kagabi.
Ayon kay Sen. Koko Pimentel, inaasahang matatapos ngayong weekend ang committee report para dito at ito ay ipi-prisenta sa 2 kapulungan ng Kongreso sa Lunes ng umaga.
Kapag nalagdaan na ay inaasahang magaganap na ang proklamasyon sa hapon.
Base sa official tally ng National Board of Canvassers o NBOC, si Duterte ay nakakuha ng 16,601,997 votes samantalang si Robredo ay 14,418,817 na nagselyo sa kanilang pagkapanalo sa halalan.
Samantala, pakikiusapan ngayong araw ni Sen. Koko Pimentel si incoming president Rodrigo Duterte na dumalo sa kanyang sariling proklamasyon sa Lunes, Mayo 30.
Ayon sa senador, magiging makasaysayan ang pagpunta ni Duterte sa proklamasyon ng National Board of Canvassers dahil ngayon lang magkakaroon ng pangulo ang bansa na mula sa Mindanao.
Umaasa si Pimentel na siya ring chairman ng PDP-Laban na magbabago pa ang isip ni Duterte na nauna nang nagsabi na hindi dadalo sa proklamasyon.
Sa isang pahayag kagabi, muling inulit ng aide ni Duterte na si Bong Go na walang balak dumalo ang alkalde sa proklamasyon sa Batasang Pambansa.
Sa pagtatapops ng official canvassing kahapon nakakuha si Duterte ng 16,601,997 votes.
Kumpirmado namang dadalo sa proklamasyon ang nanalong vice-president na si Leni Robredo.
By Katrina Valle | Jill Resontoc (Patrol 7) | Jonathan Andal