Itinigil na rin pansamantala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagproseso sa Overseas Employment Certificate (OEC) ng mga balik-manggagawa patungong Taiwan.
Kasunod ito ng pasya ng gobyerno na sakupin din nang ipinatutupad na travel ban ang Taiwan.
Ayon kay POEA admnistrator Bernard Olalia, dahil sa pagkakasama ng Taiwan sa travel ban, maging ang mga paalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) ay hindi papayagang bumiyahe.
Nakipag-ugnayan na rin ang POEA sa mga ahensya para abisuhan ang employers ng mga dapat ay paalis na OFW na maaantala ang kanilang pagdating sa Taiwan dahil sa umiiral na ban.
Subalit kahapon, bago pormal na mapasama sa ban ang Taiwan, ay may mga nakaalis nang OFW.
Sinabi ni Olalia na makakauwi pa rin naman sa Pilipinas ang mga OFW galing Taiwan na magbabakasyon subalit kailangan nilang sumailalim sa mandatory 14-day quarantine period.