Pinaigting na ng ilang Local Government sa Central Luzon ang kampanya Kontra Dengue lalo’t naitala sa rehiyon ang pinakamaraming kaso ng naturang sakit sa Pilipinas.
Simula Enero a – 1 hanggang Hulyo a – 30, aabot na sa 18, 664 ang dengue cases sa Region 3 o 18% ng kabuuang bilang ng mga kaso sa bansa.
Kabilang sa mga puspusang nagpapatupad ng kampanya kontra Dengue ang mga Bayan ng San Miguel at Barangay Minuyan sa Norzagaray, Bulacan.
Sa Bulacan ang may pinakamaraming kaso ng Dengue sa rehiyon.
Namahagi ang LGU ng San Miguel ng mga pamplet na may impormasyon hinggil sa pag-iwas sa sakit na dala ng lamok habang nagsagawa ng disinfection sa mga bahay sa Barangay Minuyan.
Nag-fogging naman sa Cabanatuan City, Nueva Ecija at pinuntahan ang mga paaralan na humiling ng tulong laban sa dengue bilang preparasyon sa balik-eskuwela ngayong araw habang nagkaroon din dengue misting sa Tarlac City.
Samantala, inihayag ni DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire na bukod sa paglilinis at disinfection, naglunsad din ng preventive measures ang mga sangay ng kagawaran.
Naglaan din anya ng dagdag-pondo sa mga ospital bilang paghahanda.