Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang full-press military operation sa Lanao del Sur laban sa mga teroristang grupo sa pangunguna ni Abu Sayyaf leader na Isnilon Hapilon na nanumpa na ng katapatan sa ISIS.
Ayon kay Pangulong Duterte, inatasan din niya ang Armed Forces na gamitin ang lahat ng military assets at armas nito upang tuluyang mapuksa ang nagbabadyang pag-usbong ng ISIS sa Pilipinas.
Umapela naman ng tulong ang punong ehekutibo sa China as paglaban sa terorismo.
Iginiit naman ng Pangulo na wala pang rason upang magdeklara siya ng Martial Law sa ilang bahagi ng Mindanao sa kabila ng tumitinding bakbakan ng militar at mga teroristang grupo.
Ayon kay Duterte, hihintayin niyang ang taumbayan na humiling na ipatupad ang batas militar bilang solusyon sa kanilang kinakaharap na problema.
Military operation in Butig
Samantala, labinlimang (15) terorista na ang patay habang walong (8) iba pa ang sugatan sa nagpapatuloy na operasyon ng militar sa Butig, Lanao del Sur sa gitna ng pagtugis kay Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon na umanib na umano sa grupong ISIS.
Kinumpirma ni AFP Public Affairs Chief, Col. Edgard Arevalo na kabilang ang labinlima (15) sa grupo ni Hapilon at ng Maute o Dawlah Islamiyah.
Ayon kay Arevalo, isa sa mga nasawi ang Indonesian na kinilala lamang sa alyas na Mohisen at isang Pinoy na si Sahl Num.
Batay anya sa kanilang mga nakuhang impormasyon, malubha ang mga natamong sugat ni Hapilon sa mga pambobomba ng militar at binibitbit na lamang ito ng apat na lalaki sa pamamagitan makeshift stretcher.
Inihayag din ni Arevalo na posibleng mamatay ang sinasabing leader ng ISIS sa Pilipinas kung hindi agad ito masasalinan ng dugo at magagamot ang mga natamong sugat mula sa mga binagsak na bomba ng mga air assets ng militar kabilang ang bagong FA-50 fighter jets ng Air Force.
By Drew Nacino