Naunsyami ang pagsasagawa sana ng meeting ng ilang Kongresista sa Pag-Asa Island sa West Philippine Sea bunsod ng masamang panahon.
Nakatakda sanang magsagawa ng public hearing ang House of Representatives’ Committee on Government Enterprises and Privatization, napinamumunuan ni North Cotabato Rep. Jesus Sacdalan, sa Pag-Asa na bahagi ng pinag-aagawang Spratly o Kalayaan Islands, para sa deliberasyon ng panukalang batas na lilikha sa West Philippine Sea Development Authority.
Gayunman, hindi pinayagan ng militar na makaalis sa Palawan sina Sacdalan, maging ang mga author ng bill na sina Representatives Harry Roque ng Kabayan Partylist, Victor Yap ng Tarlac maging sina Gil Acosta at Deputy Speaker Frederick Abueg na kapwa kongresista mula Palawan.
Ayon kay Lt. Gen. Raul del Rosario, commander ng AFP-Western Command, bukod sa masamang panahon, hindi rin nila matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga mambabatas lalo’t may mga Chinese vessel sa paligid ng Pag-asa.
Bagaman ligal na teritoryo ng Pilipinas ang Pag-asa, pinapuputukan anya minsan ng mga Chinese vessel ang bawat aircraft na lilipad sa paligid ng isla na hindi malayong mangyari sa eroplano ng mga Kongresista kung itinuloy ang biyahe.
By: Drew Nacino