Binatikos ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang pagpunta ni Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Bong Go sa tindahan ng mamahaling relo sa isang marangyang mall.
Sa kanyang opening statement sa pagdinig ng kumite, kinuwestyun ni Gordon kung hindi ba alam ng Pangulo na naghihirap ang maraming mamamayan para sila ay mamasyal o magtungo sa mamahaling mall.
Magugunitang bumisita sina Pangulong Duterte at Go sa isang department store sa Makati City matapos maghain ang Senador ng Certificate Of Candidacy noong Sabado.
Agad namang itong sinalag ni Go at nilinaw na siya ang nag-aya sa punong ehekutibo na dumaan sandali sa mall bago umuwi dahil matagal na panahon niya itong hindi nagagawa.
Sumaglit lang naman anya sila sa naturang mall dahil nais ni Pangulong Duterte na makapag-ikot at makapaglakad dahil ilang buwan na itong hindi nakalalabas at nakatutok sa trabaho.
Iginiit ni Senador Go na hindi dapat lagyan ng malisya ang pagpunta nila sa mall ng pangulo lalo’t hindi rin naman sila bumili ng mamahaling relo sa halip ay biskuwit lamang ang kanilang nabili.—sa panulat ni Drew Nacino mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno