Hindi pa rin pinapayagan ang pagbiyahe ng mga Pilipinong turista patungong ibang bansa.
Ito ang ipinaalala ng Bureau of Immigration (BI) matapos na may anim na Pilipino ang nagtangkang bumiyahe patungong Cambodia sa pamamagitan ng isang chartered flight mula Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay BI Port Operations acting chief Grifton Medina, business meeting kaugnay ng pag-cultured ng hipon ang idinahilan ng anim na Pinoy sa tangkang pagbiyahe ng mga ito.
Binigyang diin ni Medina, tanging mga overseas filipino workers (OFW) at Pilipinong may hawak na student visa o permanent residents sa ibang bansa ang maaari lamang lumabas ng bansa.
Apela ni Medina sa mga Pilipinong nais nang bumiyahe sa ibang bansa para mamasiyal o dumalaw sa mga kaanak na maghintay na muna sa magiging kautusan ng pamahalaan hinggil sa umiiral na travel restriction.
Una nang inanunsyo ng Manila International Airport Authority ang muling pagbabalik operasyon ng mga international flights sa NAIA Terminal 3 simula sa Miyerkules, Hulyo 8.