Pinag-aaralan na ng AFP o Armed Forces of the Philippines na putulin ang linya ng komunikasyon sa Marawi City kung saan nagaganap ngayon ang bakbakan sa pagitan ng militar at Maute group.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, ito’y upang matiyak ang seguridad ng mga sibilyan at militar sa lugar dahil maaaring gamitin ng mga terorista ang cellphone bilang pang-detonate ng kanilang mga pampasabog.
Maliban dito, ginagamit din umano ng mga terorista sa Marawi ang cellphone para makahingi ng tulong at suporta sa iba pa nilang kasamahan
Dagdag pa ni Arevalo, makatutulong din ang pagputol ng linya ng komunikasyon sa Marawi para mabawasan ang mga litrato o video na ipino-post sa social media na maaaring maglagay sa alangin sa operasyon ng militar.
Maute group tinangkang sunugin ang buong siyudad ng Marawi
Inihayag ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año na tinangka ng Maute group na sunugin ang buong siyudad ng Marawi.
Ayon kay Año, batay sa nakukuha nilang impormasyon mula sa kanilang mga source, itataon sana ng mga terorista ang panununog sa Marawi sa panahon ng Ramadan.
Ngunit napigilan anya ito dahil sa ikinasa nilang pagsalakay noong nakaraang linggo sa isang safe house ng mga terorista sa Brgy. Basak Malutlut kung saan nanunuluyan ang kanilang target na si abu Sayyaf Leader Isnilon Hapilon na tinaguriang Amir ng ISIS sa Pilipinas.
Ibig sabihin, bago pa man ang ikinasang raid sa Marawi ng mga otoridad ay na-plano na ng Maute ang panggugulo doon.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nakabwelta agad ang mga kalaban at nanggulo sa ilang panig ng marawi noong salakayin ng mga pulis at sundalo ang kuta ng mga terorista.
By Meann Tanbio | With Report from Jonathan Andal