Sinimulan na ng bansang Belgium ang imbestigasyon nito makaraang hilingin ng Pilipinas na itigil na ang pagpopondo sa ilang non government organizations na front pala ng komunistang grupo.
Batay sa inilabas na pahayag ng embahada ng Belgium, sineseryoso nila ang ipinarating na impormasyon sa kanila ng Pilipinas kaya’t sisiyasatin nila itong maigi.
Magugunitang ibinunyag ng AFP o Armed Forces of the Philippines na aabot sa humigit kumulang na isang milyong dolyar ang tinatanggap na donasyon ng mga militanteng grupo sa paniniwalang itinataguyod ng mga ito ang karapatang pantao sa Pilipinas.
Kahapon, tinanggap na rin ng European Union ang inihaing petisyon ng Pilipinas sa pangunguna ni AFP Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations Maj/Gen. Antonio Parlade Jr para ipatigil sa mga ito ang pagbibigay ng pondo sa mga tinaguriang front group ng CPP-NPA at NDF.
Sa huli, tiniyak ng Belgian Embassy na hindi mangingimi ang kanilang pamahalaan na itigil na ng tuluyan ang pagpopondo sa mga naturang grupo sa sandaling mapatunayang may koneksyon nga ang mga ito sa communist lead groups.