Ikinakasa na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council sa Camalig, Albay ang kanilang mga contingency measures sa posibleng pagragasa ng lahar buhat sa Bulkang Mayon.
Ito’y sa harap na rin ng babala ng PHIVOLCS hinggil sa mga naipong lahar materials sa bunganga ng bulkan bunsod ng ilang beses na pagputok nito.
Ayon kay Camalig Mayor Ding Baldo, patuloy ang kanilang pagpapaalala sa mga opisyal at kanilang mga nasasakupan na manatiling naka-alerto lalo na iyong mga nasa tabing ilog tuwing bubuhos ang ulan.
Patuloy aniya silang nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Barangay Tumpa, Sua, Quirangaym Salugan at Cabangan na bantayang maigi ang 6 kilometer permanent danger zone mula sa banta ng ash fall, lava flow at lahar flow.
Ilang paaralan sa Camalig Albay, balik normal na
Nagpasalamat naman si Camalig, Albay Mayor Ding Baldo sa kaniyang mga nasasakupan dahil sa zero casualty na kanilang naitala.
Ito aniya’y sa panahon ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon nitong mga nakalipas na buwan bagama’t nananatili pa rin ang banta nito sa kasalukuyan.
Kasunod nito, umaasa ang alkalde na mapapabilis na ang rehabilitasyon sa kanilang lugar na magiging daan aniya para sa maagang pagbangon ng kanilang lugar.
Samantala, ini-ulat din ng alkalde na balik normal na rin ang klase sa mga paaralan sa Cabangan, Tumpa at Quirangay matapos ang ilang buwang pag-aalburuto ng bulkan.
Subalit tanging ang paaralan sa Barangay Anoling lamang aniya ang hindi pa magagamit sa ngayon dahil sa nananatili pa rin duon ang ilang residenteng apektado ng kalamidad.