Isang magandang pagkakataon ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagrepaso sa lahat ng government contracts upang matukoy kung aling kontrata ang hindi na dapat muling pasukin ng gobyerno.
Ito ang inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian matapos igiit na dapat gawing transparent o bukas sa publiko ng Office of the Solicitor General (OSG) at Deparment of Justice (DOJ) ang isasagawang pagrepaso sa mga kontrata sa pangungutang ng pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, buwis ng taumbayan ang ipinambabayad sa mga utang ng bansa kaya’t dapat maging malinaw sa publiko ang anumang kontratang papasukin ng gobyerno.
Dapat din anyang maiwasan ang pagpasok sa kontrata kung saan dehado ang bansa pero sakaling may mga ganito ay mayroon naman anyang probisyon hinggil sa arbitration.