Sinegundahan ni Sen. Panfilo Lacson ang pahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenza na dapat nang repasuhin ang umiiral na mutual defense treaty sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Ito’y bilang reaksyon sa naunang sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin Jr. na wala nang pangangailangan para rito dahil tiniyak naman ng Amerika ang kanilang pag-suporta sa Pilipinas.
Magugunitang inihayag ni US Secretary of State Mike Pompeo na handang idepensa ng Amerika ang Pilipinas sakaling humantong sa pag-atake ang ginagawang pananakop ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Lacson, tama si lorenzana na repasuhin ang nasabing tratado upang mabigyang linaw ang ilang probisyon dito partikular na ang terminong “attack”.
“I would say na kailangan i-revisit, sabi nga ni Sec. Lorenzana, attack yung sinasabi doon. Kapag inatake yung isang bansa, kailangan obligado yung isang bansa na smuaklolo. Pero inoccupy island natin na wala naman attack eh, kailangan i-define ‘yun. Pwede ba i-konsidera na attack on our territory yung basta nilang inoccupy lalo pa nga at merong arbitral ruling na pumapabor sa atin pero sige parin yung pag-build up ng mga military installations.” Pahayag ni Sen. Lacson.
Napapanahon na rin aniya para sa pamahalaan na i-konsidera ang pagbabago ng pananaw sa salitang pananakop.
“Yun yung tinatawag na economic invasion o kaya parang creeping invasiuon na unti-onti nakapagtayo doon tapos inako na nila, naglabas ng mapa na kung saan nanggaling. So para sa akin, dapat tingnan na ulit, reviewin lang at tingnan kung ano yung mga provision at mga articles doon na pupwedeng iimprove yung language para mas maliwanag.” Ani Sen. Lacson.
Kasunod niyan, sinabi ni Lacson na dapat panatilihin ng administrasyong Duterte na balansehin ang mga kapangyarihan sa rehiyon at laging ipaglaban ang interes ng Pilipinas.
“Let’s face it dalawa ngayon yung superpowers eh, huwag na muna natin i-count yung Russia. Pero China atsaka US di ba? Militarily, economically maski sa strategic sila talaga yung tumatayong superpowers tayo napakahina natin, napakaliit natin. So, kailangan ang foreign policy natin is geared towards maintaining the balance of powers. While nakikipagkaibigan tayo sa Tsina huwag tayong lumayong sa Amerika. At while nakikipag-alyansa tayo sa Amerika huwag tayong lalayo sa Tsina, bayaan lang natin na yung balance of power is well-maintained.” Dagdag ni Sen. Lacson.