Panahon na para repasuhin ng Kongreso ang Oil Deregulation Law.
Ito ang inihayag ng Malakanyang bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at global supplies na apektado ng nagpapatuloy na sagupaan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Acting Cabinet Secretary Melvin Matibag, nakatakda nang talakayin ng Departments of Energy (DOE) at Finance kay Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan na suspendihin ang Fuel Excise Tax.
Maaari rin anyang magpatawag si Pangulong Duterte ng emergency session para sa kongreso upang talakayin o amyendahan ang ilang batas bilang tugon sa problema.
Kahapon inilarga ng mga kumpanya ng langis ang kanilang ika-11 sunod na linggong dagdag presyo, na pinaka-malaking oil price increase sa kasaysayan ng bansa.