Binigyang diin ni Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Prospero De Vera na ang kanyang panukalang pansamantalang suspensyon o moratorium sa mga field trip sa mga pampubliko at pampribadong unibersidad ay hindi lamang nakalimita sa mga nasabing institusyon bagkus maging sa pagrerebyu mismo ng mga reglamento ng ahensya.
Ayon kay De Vera, panahon na rin para magsagawa ang CHED ng pagrerebyu sa mga panuntunan nito hinggil sa mga field trip o educational tour ng mga paaralan matapos ang malagim na aksidente sa Tanay, Rizal kahapon na kumitil sa buhay ng 15 katao na kinabibilangan ng mga estudyante at guro mula sa Bestlink Colleges, Novaliches. Ang mga mag-aaral ay patungo sana sa isang camping event bilang parte ng kanilang National Service Training Program (NSTP).
Sa panayam sa DWIZ, sinabi ni De Vera na maari nang ibahin ang reglamento ng ahensya partikular sa NSTP kaysa doon sa mga regular one-day field trip dahil anya, mas habulin ng peligro ang mga estudyanteng dumadaan sa NSTP dahil mas matagal at mas marami silang mga aktibidad o programa sa labas ng paaralan.
‘Itong aking panukalang moratorium at review ay hindi lang napakapaloob sa mga paaralan, kundi sa CHED din. Sa tingin ko, panahon na rin para i-review ng CHED ang mga regulations nito. Halimbawa, ang NSTP, marami talagang mga outside trips ‘yan, tapos mayroon silang mga survival training, hinahanda sila sa mga disaster management. Baka kailangan ‘yung regulation sa NSTP ay gawing iba doon sa regular one day field trip, kasi mas matagal at madalas silang lumalabas ng paaralan.’ Pahayag ni De Vera.
Dagdag pa ni De Vera, nararapat na ring rebyuhin ang NSTP kasabay ng panukala sa Kongreso ng pagbabalik ng ROTC at tingnang maigi kung ano nga ba ang natututunan ng mga estudyante rito.
‘Tamang tama ngayon dahil may panukala sa Kongreso sa pagbabalik ng Reserved Officers Training Corps (ROTC). Kailangan i-review ‘yung NSTP in relation sa ROTC dahil ang ROTC ay isang component ng NSTP, titingnan kung ano bang natututunan ng mga bata riyan.’ Paliwanag ni De Vera
Regulasyon ng CHED hinggil sa mga educational tour, muling ipinaalala
Samantala, muling nagpaalala sa publiko si De Vera hinggil sa mga regulasyon at ng CHED sa pagsasagawa ang field trip na dapat anyang striktong sundin ng mga unibersidad at kolehiyo.
‘Again we are are reiterating the requirements of CHED sa mga field trip. Una, ang field trip ay dapat nakadisenyo para i-enhance ang curriculum ng paaralan. Pangalawa, kung may additional cost involved, dapat itong i-konsulta agad sa estudyante. Pangatlo, ‘yung impormasyon sa field trip ay dapat nakalagay sa student handbook at ipinapaliwanag sa student orientation at ika-apat mayroong risk assessment dapat ang eskwelahan kung saan ipinapaliwanag din ito sa mga magulang.’ Ani De Vera.
Sa huli sinabi ni De Vera na dapat hindi rin dapat tumakas sa responsibilidad ang isang paaralan sa tuwing may mga outside activities ito kahit pa man may pinirmahang waiver ang mga estudyante.
‘Kung mapanganib ang pupuntahan, hindi dapat maghugas kamay ang mga paaralan sa liability sa safety ng mga estudyante kahit pa may waiver. Kuhanan dapat sila ng insurance. Dapat one month before gagawin ang field trip, naabiso na dapat ‘yan sa CHED.’ Panghuli ni De Vera.
By Ira Y. Cruz (Credit to Karambola interview)