Nananatiling responsableng miyembro ng banking community ang Pilipinas kahit pa bumagsak sa isang bangko sa bansa ang $81 Million account na ninakaw ng mga hacker mula Central Bank of Bangladesh.
Ayon kay Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Undersecretary Manolo Quezon, hindi nag-atubili ang mga awtoridad sa Pilipinas na umaksyon nang idaan ang pera sa Rizal Commercial Banking Corporation.
Isa anya itong malinaw na indikasyon na kumikilos ang gobyerno upang tiyakin ang transparency at upang mabatid ang tunay na nangyari at paano maiiwasan na maulit ang naturang scam.
Inihayag ni Quezon na seryoso ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa pag-iimbestiga at pinapakita ng Anti-Money Laundering Council na ginagampanan nito ang kanyang tungkulin.
Tiniyak naman sa publiko ng palace official na mananagot ang sinumang opisyal na sangkot sa pagnanakaw lalo ang mga namumuno sa R.C.B.C.
By: Drew Nacino