Hinamon ng Korte Suprema ang mga commissioners’ ng Integrated Bar of the Philippines–Commission on Bar Discipline (IBP-CBD) na bilisan ang pagresolba sa mga kaso laban sa mga abogado at iba pang miyembro ng Philippine Bar.
Ayon kay Chief Justice Alexander Gesmundo, mahalaga ito upang maigawad sa mga complainant ang hustisyang hinihingi nila.
Sa “First CBD Commissioners’ Summit” na ginanap sa Diamond Hotel sa Maynila, sinabi ng punong mahistrado na importanteng makagawa agad ng rekomendasyon ang mga nag-iimbestigang commissioners upang maaksyunan ito ng kataas-taasang hukuman sa lalong madaling panahon.
Isiniwalat ni Gesmundo na nasa 902 cases pa ang kasalukuyang nakabinbin sa IBP na kailangan nitong resolbahin bago i-endorso sa Supreme Court.