Kontra ang mga mambabatas na dating sundalo at pulis sa pagsabak sa pagmamando sa trapiko sa EDSA ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF).
Ayon kina Magdalo Partylist Representatives Gary Alejano at Ashley Acedillo, nakakapang-hinayang kung isasabak lamang sa kalsada ang mga miyembro ng SAF dahil malaki ang ginastos ng gobyerno para sa training ng mga ito.
Ganito rin ang posisyon ni Antipolo Congressman Romeo Acop lalo na’t special operations ang tinututukan ng SAF at sumalang ang mga ito sa matinding training sa counter terrorism, hostage rescue, pagbibigay ng seguridad sa Pangulo at iba pa.
Sa halip, sinabi nina Alejano, Acedillo at Acop na mas mabuting pagtulungan na lamang ng MMDA, PNP-HPG at local governments ang pagmamando sa trapiko.
Inihayag naman ni ACT-CIS Partylist Representative Samuel Pagdilao na ang paggamit sa SAF sa pagmando ng trapiko ay indikasyon lamang na malala na ang trapiko sa Metro Manila.
By Judith Larino