Pinakikilos na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng yunit at tauhan nito sa Bangsamoro Autonomous Region para supilin ang mga masasamang elemento lalo na ngayong panahon ng halalan.
Kasunod ito ng naganap na pagsabog malapit sa army detachment habang dumaraan ang convoy ni Maguindanao Rep. Esmael Toto Mangudadatu sa bayan ng Guindulungan nitong Sabado.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, kaniya nang inatasan ang Regional Police Office Bangsamoro para sa pagkakasa ng malalimang imbestigasyon hinggil dito.
Nabatid na dumaan ang convoy ni Mangudadatu sa harap ng naturang army detachment na binubuo ng nasa 20 hanggang 30 sasakyan nang biglang sumabog ang isang granada.
Binilinan ni Eleazar ang mga imbestigador na tingnan ang lahat ng anggulo sa nangyaring pagsabog kung ito ba’y may kinalaman kay Mangudadatu o nagkataon lamang upang malinawan sa tunay na pangyayari. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9), sa panulat ni Hya Ludivico