Wala umanong inaasahang malaking pagsabog sa bulkang taal sa kabila ng mga abnormal na aktbidad nito noong Sabado at kahapon.
Sa mga nasabing araw ay nakapagtala ng mahihinang phreatomagmatic burst sa main crater ng Taal.
Ayon kay Paolo Reniva, resident volcanologist ng Taal volcano observatory, nangyayari ang mahihinang pagsabog tuwing nagkakaroon ng contact ang tubig sa mainit na bahagi ng bulkan.
Maiikli lamang anya ito at tumagal ng sampung segundo hanggang dalawang minuto at lumikha ng plume na may taas na 400 hanggang 900 meters.
Nilinaw rin ni Reniva na wala namang inaasahang malaking epekto sa mga residente malapit sa bulkan ang mga aktibidad nito.
Bagaman wala ring inire-rekomendang paglikas, pinaalalahanan ng Phivolcs ang mga mangingisda na huwag manatili nang matagal malapit sa volcano island.