Posibleng paghihiganti ang motibo ng grupong na sa likod ng muling pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat.
Una nang tinukoy ng militar na posibleng ang breakaway group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) sa pamumuno ni salahuddin hassan ang siyang na sa likod ng pag atake.
Ayon kay 6th Infantry Division Brig. General Cirilito Sobejana, kabilang ang naturang grupo sa mga naging target ng sunod-sunod na military operations sa Maguindanao.
Pinaniniwalaang mga naging estudyante ng terrorist bomb maker na si Basit Usman ang mga salarin.
“Magkakaiba ang ginamit na IED, ‘yung una ay pulido mabilis pumutok kapag subjected to pressure, ‘yung pangalawa naman may mga concrete nails na inihalo na tumama sa mga biktima.” Pahayag ni Sobejana.
Samantala, sinabi ni Sobejana na tukoy na ng militar ang mga suspek sa unang pagsabog na naganap sa Isulan nuong nakaraang Linggo.
“Mayroon na po kami natukoy lalo na yung sa una, sa unang pagsabog nuong August 28. Natukoy na po natin yung tatlong responsable at yung grupo kung saan sila kasama.” Ani Sobejana.
Ilang residente pabor sa martial law sa Mindanao—Sobejana
Naniniwala si 6th Infantry Divison Brig General Cirilito Sobejana na maraming mga residente ng Mindanao ang pabor na manatili ang pag-iral ng martial law sa Mindanao.
Ito ay sa kabila ng magkakasunod na pagsabog na nangyari sa Sultan Kudarat sa kabila ng pag-iral ng batas militar.
Ayon kay Sobejana, batay sa kanyang mga nakausap marami sa mga Mindanawan ang nakararamdam na mas ligtas sila dahil sa presensya ng mga sundalo.
“Pakiramdam nila they are safe with the martial law dahil sinusuri natin mabuti yung mga motorista dumadaan sa kalsada with that they feel secured na makakarating sila sa kanila paroroonan ng matiwasay.” Pahayag ni Sobejana.
(Balitang Todong Lakas Interview)