Pansamantalang ipatitigil ng Sugar Regulatory Administration o SRA ang pag-angkat ng high fructose corn syrup sa bansa.
Ito’y ayon kay SRA Administrator Hermenigildo Serafica kasunod ng inilarga nilang imbestigasyon sa patuloy na pagsadsad ng presyo ng lokal na asukal sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ni Serafica na bumuo na sila ng isang lupon na siyang magsisiyasat sa nasabing problema at kung ano ang kaugnayan ng pagbaba ng presyo ng asukal sa importasyon ng corn syrup.
Una nang inihayag ng Sugar Alliance of the Philippines na kaya bumababa ang presyo ng asukal ay dahil sa pag-aangkat ng high fructose corn syrup o HFCs na lubhang mas mura ngunit mas matamis kumpara sa ordinaryong asukal.
Dahilan para umaray ang lokal na industriya dahil marami sa mga fast food at food processing business ang kumukuha ng corn syrup sa halip na bumili ng asukal bilang pampatamis.
—-