Idinepensa ng Malacañang ang gabinete nito na sinasabing sumadsad ang satisfaction ratings.
Ginawa ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr. ang reaksyon kasunod ng survey ng Social Weather Stations o SWS hinggil sa performance ng mga cabinet secretaries.
Nilinaw naman ni Coloma na ang public satisfaction ng gabinete sa kabuuan ay nananatili namang “moderate” o positive eleven kung saan 38 percent ang nagsabing satisfied o kuntento sila sa performance nito.
Ayon kay Coloma, sa kabila nito’y ipupursige pa rin ng mga miyembro ng gabinete ang kanilang mga mandato sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mahahalagang reporma at programa.
Q4 survey
Sumadsad ang satisfaction ratings ng mga matataas na opisyal ng gobyerno at ilang ahensya sa huling quarter ngayong taon.
Sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS, bahagyang bumagsak ang ratings nina Vice President Jejomar Binay, Senate President Franklin Drilon, House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Lumabas ang survey isang linggo matapos i-ulat ang pagsadsad din ng ratings ni Pangulong Noynoy Aquino.
Batay sa naturang survey, 52 percent ng mga respondent ay nagsabing kuntento sila sa pamumuno ni Binay habang 28 percent ang dissatisfied.
Maliban sa mga naturang opisyal, sadsad din umano ang ratings ng mga gabinete ng Pangulong Aquino.
By Jelbert Perdez