Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng DOTR o Department of Transportation sa lahat ng mga naperwisyong pasahero sa paliparan.
Ito’y kasunod ng nangyaring pagsadsad ng isang eroplano ng Xiamen Airlines nitong Biyernes na nagresulta sa pagka-antala ng operasyon ng NAIA o Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, itinuturing nilang isang eye opener o panggising ang naturang pangyayari.
Dahil dito, ipinag-utos ni Tugade na repasuhin ang mga ipinatutupad nilang proseso at protocol ng ibang mga ahensya at mga airline company.
Giit ni Tugade, ginawa nila ang lahat para bigyang solusyon ang naturang problema habang kaniya namang pinapurihan ang mga opisyal ng CAAP at MIAA gayundin ang pribadong sektor na nagtulung-tulong para rito.